Scripture Text: Mateo 3:1-2
Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na ang paghahari ng Dios.”
Mateo 3:1-2
Sa ating huling pag-aaral ng sulat ni Apostol Mateo, dito natin napag-aralan na si Juan na taga-bautismo, ang tagapagbalita o mensahero ng Diyos ayon sa sinabi ng propeta ng Panginoon, na magtutuwid at maghahanda sa daraanan o pagdating ng Cristo.
Sa ating muling pag-aaral ng sulat ni Apostol Mateo, dito natin makikita ang sigaw ni Juan na tagabautismo sa mga tao sa Judea, at ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na ang paghahari ng Diyos.”
Makikita natin na ang isinisigaw ni Juan na tagabautismo ay mag-sisi na ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, na masasabi natin na ito ang ginagawang pagtutuwid ni Juan na tagabautismo sa daan ng Cristo, upang ang mga puso ng mga tao ay maging handa sa pagdating ng Cristo.
Sa gayon, sa pagdating ng Cristo, ang mga tao ay tunay na mayroong pusong bumalik sa mga aral, pamamaraan, at panuntunan ng Diyos.
At sa pangangaral din na ito ni Juan na tagabautismo, pagdating ng kaharian ng Diyos, dito pinapakita sa atin ni Apostol Mateo ang pagdating muli ng pagliligtas ng Diyos, "Exodus", sa mga taga-Israel, hindi sa kamay ng mga sumasakop sa kanila, gaya ng pagliligtas ng Diyos sa mga taga-Israelita sa kamay ng Ehipto, kundi sa kamay ng kasalanan.
At ang pagdating ng Panginoong Jesus Cristo ay biyayang maituturing, dahil sa pagliligtas at pag-abot ng Panginoong Jesus, ang mga tao ay magiging kabahagi rin ng kaharian ng Diyos.
Mga kapwa ko mananampalataya, ito ang katapatan, biyaya, at grasya ng Diyos, ang pagdating ng Panginoong Jesus ay pagpapakita ng pag-abot sa atin ng Diyos muli upang iligtas tayo mula sa sumasakop sa atin at ito ay sa pagkakasakop natin sa kasalanan, at bukod pa rito, upang tayo ay maging kabahagi rin ng kaharian ng Diyos.
Magbulay
1. Nakikita mo ba ang katapatan at pagmamahal ng Diyos sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo?
2. Tinutulak ka ba ng katotohanan na ito na purihin, sambahin, at itaas ang Panginoong Jesus sa iyong buhay?
Tandaan
Mga kapatid, sa mensaheng ito ni Apostol Mateo, sa pangangaral ni Juan na tagabautismo patungkol sa pagsisisi at pagdating ng kaharian ng Diyos, ay dinala tayo sa katotohanan. Dumating na ang pag-abot at pagliligtas ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang dakila at banal na Anak, ang Panginoong Jesus, ang Cristo, na mag-aakay at magliligtas sa atin mula sa pagkakasakop sa kamay ng kasalanan. Tunay nga na Siya ang Cristong ipinangako, ang dakilang tagapagligtas at Anak ng Diyos.
Basahin
Mateo 3:1-3, Mateo 1:21, Juan 1:29-31, 1 Juan 2:2; Efeso 1:7-9; Exodus 3
Manalangin
Amang Banal, maraming salamat sa Iyong grasya at awa na ipinagkaloob Mo sa amin, salamat sa Iyong katapatan at pagmamahal. Tunay nga na ang pag-abot Mo sa amin sa pamamagitan ng iyong Anak, ang Panginoong Jesus, ay isang napakalaking biyaya na maituturing ng bawat anak Mo. Lahat ng papuri ay para lamang sa Iyo. Ito ang aming dalangin, sa pangalan ng iyong Anak na si Jesus. Amen.
Comments