top of page
Bro. Christian Ignacio

Ang Pagtuligsa ng Tagapagbalita ng Diyos (Part 1)

Scripture Text: Mateo 3:7-8


Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa.

Mateo 3:7-8


Sa ating huling pag-aaral ng sulat ni Apostol Mateo, dito natin natalakay na ang pagdating ni Juan na tagabautismo ay ang pagdating muli ng pagliligtas ng Diyos, hindi lang sa mga Judio gaya ng ginawa ng Diyos kay Moises at sa mga Hebreo noong nasa Ehipto, kundi pati na rin sa mga hindi Judio, dahil ang pagdating ng Panginoong Jesus Cristo ay ang pagliligtas at pag-abot ng Diyos sa mga tao sa mundo.


Sa ating muling pag-aaral ng sulat ni Apostol Mateo, sa sigaw ni Juan ang tagabautismo na magsisi ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, dito pinapakita sa atin ayon sa sulat ni Apostol Mateo, na marami pa rin ang hindi nag-sisisi sa kanilang kasalanan at hindi naniniwala sa pahayag ng propeta ng Diyos, gaya ng mga Pariseo at Saduceo.


Kaya sa pagdating ng Pariseo at Saduceo, ito ang sinabi ni Juan na tagabautismo sa kanila – “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa.”


Sa bahaging ito ng mensahe ni Juan na tagabautismo, dito ipinapakita ang patuloy na katigasan ng mga puso ng mga Judio gaya ng mga Pariseo at Saduceo, na marami pa rin ang mga Judio at namumuno sa templo at tagapagturo ng kautusan ang patuloy na hindi nagiging tapat sa Diyos, gaya noong panahon ng propetang Malakias, na kahit ang mga namumuno sa templo ay sila ang patuloy na hindi sumusunod sa mensahe at mga utos ng Diyos.


At sa bahaging ito, malinaw na ipinapakita sa atin ni Apostol Mateo, na ang mga Pariseo at Saduceo ay hindi nagtataglay ng puso na nagnanais magsisi sa kanilang kasalanan, dahil mayroon silang mga puso na ayaw bumalik sa katotohanan at kalooban ng Diyos, at ang matibay na patunay dito ay ang hindi nila patuloy na pagsunod sa mensahe ng propeta ng Diyos na si Juan na tagabautismo.


At mapapatunayan natin ito, sa pamamagitan ng ministeryo ng Panginoong Jesus, na ang mga Pariseo at Saduceo ay patuloy sa hindi pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at patuloy silang nabubuhay sa katigasan ng kanilang mga puso.


Mga kapwa ko mananampalataya, bilang mga pinili at kinaawaan ng Diyos, na naniniwala sa mensahe ng tagapagbalita ng Diyos na si Juan na tagabautismo - na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, at dakilang tagapagligtas, patuloy nating itong panghawakan, at huwag tayong tularan ang mga Pariseo at Saduceo na nabanggit sa talata, na ang mga ito ay may matigas na puso at patuloy na nabubuhay sa kasalanan, dahil hindi natin makikita sa ministeryo ng Panginoong Jesus sa mundong ito – na ito ay hindi nila naitatag sa kanilang buhay at gawa – kaya't ito ang sinabi ni Juan, ang tagabautismo, sa kanila – “Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa.”


Magbulay

1. Sa mensahe ng tagapagbalita ng Panginoon, naniniwala ka ba ng buong puso na totoo ang kanyang patotoo na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, dakilang tagapagligtas at ang Anak ng Diyos?

2. Sa talata na ating pinag-aralan, tinutulak ka ba nito na magpatotoo at magbigay ng pagtutuligsa sa mga taong patuloy na hindi naniniwala sa katotohanan sa Panginoon Jesus bilang Siya ang Cristo, dakilang tagapagligtas at Anak ng Diyos?


Tandaan

Mga kapatid, sa mensaheng ito ni Apostol Mateo, sa pangangaral ni Juan na tagabautismo patungkol sa pagsisisi at pagdating ng kaharian ng Diyos, ay dinala tayo sa katotohanan. Dumating na ang pag-abot at pagliligtas ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang dakila at banal na Anak, ang Panginoong Jesus, ang Cristo, na mag-aakay at magliligtas sa atin mula sa pagkakasakop sa kamay ng kasalanan. Patuloy natin panghawakan ang katotohanan na ito, na may taos-pusong tinatanggap na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, dakilang tagapagligtas at ang Anak ng Diyos.


Basahin

Mateo 3; Mateo 21:25; Malakias 3; Isaias 40:3; Juan 1:29-31


Manalangin

Amang Banal, maraming salamat sa Iyong grasya at awa na ipinagkaloob Mo sa amin, salamat sa Iyong katapatan at pagmamahal. Tunay nga na ang pag-abot Mo sa amin sa pamamagitan ng Iyong Anak, ang Panginoong Jesus, ay isang napakalaking biyaya na maituturing ng bawat anak Mo. Lahat ng papuri ay para lamang sa Iyo. Ito ang aming dalangin, sa pangalan ng Iyong Anak na si Jesus. Amen.

0 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page